Lalaki patay sa insidente ng pananaga at pananaksak sa bayan ng San Lorenzo Ruiz

Isang lalake ang binawian ng buhay sa naganap na insidente ng pananaga at pananaksak sa Purok 3, Brgy Laniton, San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte.

Ang nasawing biktima ay nakilalang si Marlon Villafranca y Asis, 40 anyos  na magsasaka at residente ng Purok 5 Barangay Daculang Bolo, San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte.

Habang ang suspek ay kinilalang sina alyas DOMING, 27 anyos, trabahador sa isang farm sa P-3, Brgy Laniton, San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte at si alyas Bondying na pinaghahanap ngayon ng batas

Ayon sa ulat, diumano dakong 1:45 ng madaling araw nitong Agosto 6, 2022 ng makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ang himpilan ng San Lorenzo Ruiz kaugnay sa insidente ng pananaga sa nabanggit na lugar.

Agad na tinungo ito ng mga otoridad kasama ang mga force multipliers ng Barangay Laniton at Daculang Bolo. Sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa sa asawa ng biktima na si alyas Sharon, ibinunyag nito na bago ang nasabing insidente, dakong alas-4:00 ng hapon noong Agosto 5, 2022 habang nagtatrabaho silang mag-asawa sa maisan na pagmamay-ari ng isang alyas Che na matatagpuan sa Purok-5, Brgy Daculang Bolo dalawang lalaki na kinilalang sina alyas DOMING, at alyas BONDYING ang sumundo sa kanyang asawa para makipag-inuman sa bahay ng isang nagngangalang CABEL. Diumano ay hindi na umuwi ang biktima sa kanilang bahay noong gabing iyon.

Samantala, bandang 1:00 ng madaling araw ng Agosto 6, 2022 nang matagpuan ang biktima sa kawayanang bahagi ng nasabing lugar at nakahandusay sa lupa na may mga tama ng taga at saksak sa katawan na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.

Agad namang nagsagawa ng hot-pursuit operation ang mga otoridad ng San Lorenzo Ruiz katuwang ang mga operatiba ng PIU at 1st PMFC kasama ang asawa ng biktima at nahuli si alyas DOMING sa farm na pinagtatrabahuan nito sa Purok-3 Barangay Laniton at narekober ang isang (1) itak (Bolo) na may sukat na 25 pulgada mula sa hawakan hanggang sa dulo.

Ang naarestong personahe ay nasa kostudiya na ng san Lorenzo Ruiz MPS para sa paghahanda ng reklamong isasampa laban sa kanya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *