Legazpi City Tourism Office, may paalala sa mga turista kaugnay ng posibleng pagtama ng El Niño phenomenon

LEGAZPI CITY – Dahil tinaguriang ATV capital of the Philippines ang lunsod ng Legazpi, unti-unti na namang dinaragsa ito ng mga turista kahit pa sa gitna ng init ng panahon ngayong summer season.

Sa kadahilanang ito, nagbigay ng paalala ang City Tourism Office tungkol sa mga dapat na gawin ng mga turistang nagnanais mag-ATV, lalo pa ngayong pinaghahandaan ng iba’t ibang sektor ang pagtama ng El Niño phenomenon.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Tourism Officer, Cristina Pacres, sinabi niya na malaking porsyento ng mga turista mula sa iba’t ibang mga lugar ang bumibisita sa lunsod lalo na kapag weekends.

Dahil dito, paalala at rekomendasyon niya sa mga nais mag-ATV, gawin ito nang maaga, alas singko o alas sais tuwing umaga dahil ito ang pinakamainam na oras para sa nasabing aktibidad sapagkat hindi naman gaanong mainit.

Aniya, huwag nang mag-ATV kung nakikita namang sobrang init ng panahon lalo na kung tanghaling tapat.

Kabilang na umano sa kanilang action plan ngayong El Niño ang pag-aabiso sa mga turista maging sa mga providers tungkol sa mga dapat gawin o rekomendasyon upang maiwasan ang anumang mga hindi inaasahang mga insidenteng dala ng napakainit ng panahon.

Samantala, patuloy din ang kanilang paghahanda at pagpapaala sa mga turista tungkol sa kahalagahan ng pagiging hydrated, paggamit o pagsuot ng mga protective gear tuwing maga-ATV at paggamit ng payong tuwing mamasyal lalo pa’t madalas mapasama ang lunsod sa may matataas na heat index.

Katunayan nito, nanguna ang Legazpi City sa pinakamaainit na panahon sa buong bansa noong nakaraang Biyernes kung saan naitala ang 50°C na heat index.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *