Localized lockdown sa mga barangay, nakatulong sa pagpapababa ng kaso ng covid-19 sa City Of Ilagan

Nakatulong umano ang isinagawang localized lockdown sa mga barangay na mayroong kaso ng Covid-19 sa pagbaba ng aktibong kaso sa lunsod ng Ilagan.

Ayon kay Mayor Josemarie Diaz, nang nagkaroon ng surge ng Covid-19 ay tumaas sa 288 ang aktibong kaso ng siyudad dahilan upang magpatupad ang LGU ng localized lockdown.

Limang araw makalipas tanggalin ang lockdown sa mga barangay ay nakita umano ang pagbaba ng kaso ng nagpopositibo sa sakit at sa katunayan ay mayroon na lamang 98 active cases ang lunsod ngayon.

Dumami rin aniya ang mga naitatalang mga COVID-19 patient na nakakarekober kung saan nagresulta ng magandang COVID-19 situation sa lunsod.

Ayon pa kay Mayor Diaz, dahil sa mga hakbang na ginawa ng LGU-City of Ilagan upang matugunan ang surge ng naturang virus ay kinilala ng Department of Health Region 2 ang kanilang best practices.

Dagdag pa ng alkalde, nagkaroon rin ng karagdagang mga modular houses sa City of Ilagan Medical Center upang maakomoda ang lahat ng mga covid-19 patient.

Dagsaan rin aniya ang pagdating ng mga pasyente sa kanilang hospital kaya’t nagdagdag ang CIMC ng 2 pang ambulansya at mga kagamitan sa hospital upang matugunan ang pangangailangan ng mga pasyente na nagmumula sa ibang lugar.

Patuloy namang hinikayat ng alkalde ang kooperasyon ng publiko upang tuluyan nang mapababa ang kaso ng COVID-19 sa siyudad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *