Lolang nagnakaw umano ng tsinelas, arestado sa Bauan, Batangas; 4 na kasamahan, nakatakas

Timbog ang isang 60-anyos na lola habang nakatakas naman ang kanyang apat na kasamahan matapos nakawan ng mga ito ng halos nasa P3,000 halaga ng grocery items at isang pares ng tsinelas sa isang branch ng SIDC minimart sa Brgy. Manghinao Proper, Bauan, Batangas.

Ayon sa imbestigasyon, alas-6:30 ng gabi ng Mayo 17, pinasok umano ng mga naturang suspek ang Soro-soro Ibaba Development Cooperative (SIDC) Minimart sa nasabing lugar at nagkunwaring bibili.

Habang nasa loob ng tindahan, tumayo umanong look out ang lolang suspek at ang dalawa naman nitong kasama ang kumukuha ng mga grocery items na isinisilid sa loob ng kanilang damit.

Naging sagabal naman o look out sa mga tauhan ng nasabing tindahan ang dalawa pang suspek.

Matapos makakuha ng grocery items ay kaagad na lumabas ng tindahan ang suspek at hindi nagbayad.

Nadiskubre naman kaagad ng tauhan ng tindahan ang nangyaring pagnanakaw kaya inutusan nito ang gwardya para pigilan ang pagtakas ng apat na suspek sakay ng kanilang sasakyan, subali’t nagawa ng mga itong makatakas.

Naaresto naman ang unang suspek at narekober dito ang isang tsinelas na nagkakahalaga ng P180, habang pinaghahanap naman ng nasabing himpilan ang nakatakas na apat na suspek.(BNFM BATANGAS)

#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *