Mahigit kalahating milyong halaga ng laptop na ninakaw sa computer laboratory ng isang unibersidad, narekober at naiturn-over na; mga suspek kalaboso

Naibalik na kahapon, Pebrero 28, sa Sorsogon State University ang 14 na laptop na ninakaw sa kanilang computer laboratory habang ang mga suspek ay nahaharap na sa kasong robbery.

Mismong ang hepe ng Sorsogon City Police Station na si PCol Jeric Don Sadia ang nagbalik sa naturang mga laptop na malugod namang tinanggap ng presidente ng unibersidad na si Dr Geraldine Fulay De Jesus.

Ang 14 na laptop ay nagkakahalaga ng P36, 799 bawat isa o kabuuang P515, 186.00.

Kinilala naman ang mga akusado na sina Jomar Tabo Magracia, 24-anyos, binata, welder, residente ng Purok 1, Brgy Balogo at Ruel Raborde Dichoso, 18-anyos, binata, walang trabaho at naninirahan sa Brgy Bibincahan, Sorsogon City.

Ang dalawa ay una nang nahuli noong Pebrero 8 sa pagnanakaw ng dalawang laptop sa Research and Development Office ng parehong unibersidad.

Sa isinagawang interogasyon sa mga suspek, inamin ng mga ito na maliban sa dalawang laptop, ay may una na silang ninakaw na 14 pa na laptop sa isang computer laboratory naman ng unibersidad. Isinilid umano nila ito sa sako at isa-isang ibinenta sa ibat-ibang tao.

Bunsod nito, agad na umaksyon ang mga tauhan ng Sorsogon City Police Station at isa-isang pinuntahan ang pinagbentahan ng mga laptop.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *