Mahigit P400K halaga ng shabu, nasamsam; 2 suspek arestado

Nasamsam ang aabot sa P442K halaga ng shabu kabilang ang isang baril sa isinagawang anti-narcotic operation ng drug enforcement units sa magkahiwalay na lugar sa Masbate.

May kabuuang 65 gramo ng methamphetamine hydrochloride (shabu) ang nakumpiska mula sa dalawang suspek sa magkasunod na araw na anti-illegal drug operations sa bayan ng Cawayan at Uson.

Sa ulat ng Cawayuan Police, nadakip si Florante Lorejas Vineda Jr. ng Purok 2, Brgy Poblacion, Uson, Masbate dakong alas 4:40 ng umaga kahapon, Pebrero 21 sa brgy San Vicente, Cawayan, Masbate.

Nasamsam dito ang 25 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P170K.

Unang nakapagbenta ito sa poseur buyer ng limang gramo ng shabu na nagkakahalag ng P34K.

Sa ikinasang body search, 7 piraso pang sachet na tinatayang nasa 20 gramo ang nakuha sa suspek.

Noong Lunes ng gabi, isang high value target drug personality ang inaresto ng mga awtoridad sa pamamagitan ng search warrant sa Purok 4 Brgy Buenasuerte sa bayan ng Uson.

Arestado ang suspek na si Joselito Amaro Moran alias TinTin, 39-anyos, binata at naninirahan sa nasabing barangay.

Nakuha dito ang 40 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P272K, isang 9mm na pistola at isang magazine na kargado ng 24 na bala. Ang search warrant ay ipinalabas ng RTC Br44, Masbate City.

Nahaharap na ang dalawang suspek sa kaukulang kaso na may relasyon sa iligal na droga.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *