Mahigpit na pagsunod sa health protocols muling ipinaalala sa publiko sa gitna ng banta ng pagbagsak ng health care system

CAMARINES NORTE- Muling ipinaalala ng Department of Health (DOH) sa publiko ang mahigpit na pagsunod sa health protocols sa harap na rin ng banta ng pagbagsak ng healthcare system bunsod ng patuloy na paglobo ng mga naitatalang kaso ng COVID- 19.

Batay kasi sa Healthcare utilization rate as of September 9, na iniulat ng DOH kahapon para sa lalawigan ng Camarines Norte, sa 137 beds for COVID ay 108 dito ang nagamit o katumbas ng 78.8% utilization o nasa high risk category.

Nasa critical risk naman ang isolation beds matapos maitala ang 91. 9 % utilization habang below moderate risk ang ICU beds at mechanical ventilators.

Matatandaan na simula noong Martes ay hindi na rin muna tumatanggap ng COVID patient ang Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) habang limitado na lang din ang tinatanggap sa non covid patients.

Ayon kay Acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco, iniiwasan nila na magkaroon ng cross infection sa loob ng ospital.

Aniya bagamat nais ng CNPH na mag accommodate ng pasyente pero hindi ito maipapahintulot sa ngayon dahil baka mas lalong kumalat ang sakit at pati ang mga healthcare worker at empleado ay tamaan ng COVID.

Kapag nangyari ito ay tiyak umanong babagsak ang healthcare system ng ospital bagay na ayaw umano nilang mangyari.

Kaya naman kailangan umanong mag isip ng mga stratehiya upang mapanatili ang human resource for health.

“Lahat gusto ko kayong pagsilbihan, ng Provincial Hospital, kaso lang kung ang tao mismo natin dito sa Provincial Hospital, yung mga empleado natin, yung mga staff natin ay sila- sila rin ang magkakaroon ng Covid wala na pong magbabantay dito sa loob ng ospital at magiging pabagsak na po ang healthcare system dito sa ating ospital which is ayaw po naming mangyari yan,” ani Francisco.

Nag- ikot naman kanina ang pulisya lalo na sa mga tinataong lugar dito sa bayan ng Daet tulad ng mga terminal upang ipaalala ang pagsunod sa health protocols.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *