Makabayan Bloc, hindi na ikinagulat ang pagdepensa ni Senador Bato Dela Rosa sa confidential funds ng OVP

Ipinagkibit-balikat lamang ng mga miyembro ng Makabayan Bloc sa Kamara ang tirada ni Senador Bato Dela Rosa na itinuturing silang “enemies of peace” at tinawag pang party-list front ng CPP-NPA.

Kaugnay ito ng pahayag ni Vice President Sara Duterte na ang mga kumokontra sa confidential funds ay kumakalaban sa kapayapaan.

Ayon kay ACT Teachers Representative France Castro, hindi na nila ikinagulat ang pagdepensa ni Senador Dela Rosa sa confidential funds ng OVP dahil kinasusuklaman nila ang transparency at accountability.

Gumastos aniya sila ng bilyun-bilyong piso mula sa pera ng taumbayan upang mang-red tag ng Makabayan Bloc members at iba pang kritiko ng administrasyong Duterte at iugnay sa CPP-NPA-NDF.

Giit ni Castro, wala naman silang napatunayan at dumagdag pa ang umano’y mga gawa-gawang kaso, harassment at pagpatay.

Taong 2016 pa lamang umano ay 144 million pesos na ang ginastos ng Davao City LGU hanggang sa umabot na sa 2.697 billion pesos noong 2022 at humirit pa ng 125 million pesos na confidential funds ang OVP.

Idinagdag naman ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel na hindi na dapat pinag-aaksayahan ng oras si Dela Rosa para patulan lalo’t hindi umano nito lubusang inaral ang isyu at pinagbintangan pa ang dating bise-presidente na may confidential fund.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *