Mercedes Critical Habitat tinanghal na 1st Runner Up sa 2022 Gawad Iba ka Juan 2nd  Best Mangrove Award sa Bicol

CAMARINES NORTE- Tinanghal na 1st Runner Up ang Mercedes Critical Habitat sa 2022 Gawad Iba ka Juan 2nd   Best Mangrove Award sa Bicol Region.

Ipinaalam na ng DENR- Region V ang bagay na ito sa pamamagitan ng ipinadalang sulat ni Regional Executive Director Francisco Milla Jr kay Mayor Dante Morales ng Mercedes na may petsang May 20, 2022.

Gagawin ang awarding ceremony bukas, May 26, 2022 sa ganap na ala una ng hapon sa DENR V Rawis, Legazpi City, Albay.

Pinasalamatan din ni Milla ang LGU sa pagsisikap nito at sa mga inisyatiba para sa proteksyon at pamamahala ng Mercedes Critical Habitat.

Sa pakikipag ugnayan naman ng Brigada News FM Daet kay DENR- PENRO Marlon Francia, sinabi nito na ang kagandahan ng naturang award ay upang ma- inspire lalo ang community at ang LGU na ipagpatuloy ang mga ginagawang intervention sa lugar.

Aniya, magandang isipin na bukas ang kamalayan ng komunidad sa pag protekta sa kapaligiran.

Isa umano sa tiningnan ang DENR sa pagkakaloob ng naturang award ay ang existing management plan at nagkaroon din ng habitat assestment sa lugar.

Una nang sinabi ni Punong Barangay Jovito Gardoña ng Catandunganon na kumpiyansa silang makakasungkit uli ng award ang Mercedes Critical Habitat para sa Best Mangrove Sanctuary sa buong rehiyon.

Noong 2020 ay hinirang na 3rd placer ang Mercedes Critical Habitat sa Search for Best Mangrove Sanctuary sa buong rehiyon.

Ang Mangrove Sanctuary ay binubuo ng mga barangay ng Catandunganon, Manguisoc at Gaboc.

Pinanahanan ito ng iba’t ibang wild species lalo na ng Philippine duck na kabilang sa mga endangered species alinsunod sa Republic Act 7586 o National Integrated Protected Areas System Act.

(Photos: Mira Gardoña Castillo Callejo/ Catandunganon Fish Farmers Association)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *