Mga barangay captain na bigong magpatupad ng health protocols, hindi kaagad aarestuhin – Eleazar

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) chief General Guillermo Eleazar na hindi aarestuhin ng mga pulis kaagad ang mga kapitan ng barangay na mabibigo sa pagpigil ng mass gatherings sa kanilang mga nasasakupan.

Ayon kay Eleazar, kapag meron ebidensya, kaso at warrant of arrest ay doon lamang pwedeng arestuhin ng pulisya ang barangay captain.

Inihalimbawa naman ni Eleazar ang nangyari sa Gubat sa Ciudad resort sa Caloocan, kung saan ay nagkaroon ng breach sa health protocols na dahilan naman upang maharap ang barangay captai doon sa mga kasong kriminal, at suspensyon sa loob ng 60 araw.

Sa Calamba, Laguna naman ay naaresto kamakailan si Barangay Canlubang chairman Larry Dimayuga dahil sa pagdaraos nito ng ilegal na sabong.

Iginiit naman ni Eleazar na pwedeng maaresto ang kapitan ng barangay kung mahuhuli ito na kasama sa mass gathering.

Dagdag ng PNP chief, pwede rin maimbitahan sa presinto ang mga barangay captain upang makapagpaliwanag ang mga ito kung anong mga hakbang ang kanilang  ginawa para mapigilan ang mass gatherings matapos ang babala ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Binigyang diin naman ni Eleazar na kung hindi kaya ng mga kapitan ng barangay na gawin ang kanilang tungkulin, ay pwede silang managot sa ilalim ng batas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *