Mga bicolanong doctor, sumulat kay DILG Sec. Año, upang i-apela na isailalim sa ECQ ang buong Bicol bunsod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa rehiyon

BICOL— “We further appeal to your sense of humanity, compassion and fairness, to listen to us, the ones directly at the frontlines in this war, to give us a fighting chance against the virus .”

Iyan ang pakiusap at pagsusumamo ngayon ng mga bicolanong doktor kay DILG Sec. Eduardo Año, matapos ang mga itong magpadala ng liham sa nasabing opisyal upang i-apela sa national government na isailalim sa Enhanced Community Quarantine o ECQ ang buong Bicol Region dahil sa patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID-19.

Sa naturang liham, inilatag ng mga doktor ang mga nakikita nilang dahilan sa pagsirit ng COVID-19 cases sa rehiyon. Kabilang dito ang hindi seryosong pagpapatupad ng mga minimum health standards ng mga lokal na pamahalaan; kakulangan ng mga quarantine facilities; mabagal na contact tracing at testing ng mga suspected cases gayundin ang kakulangan ng mga health facilities at hindi sapat na mga kagamitan para sa mga health workers.

Nangangamba ang mga health workers sa rehiyon na kung patuloy pang lolobo ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 dito sa Bicol ay hindi umano malayong mangyari din sa rehiyon ang naging sitwasyon sa India kung saan halos wala nang mapaglagyan ng mga COVID patients dahil sa full capacity hospitals, kawalan ng suplay ng oxygen na nauwi sa mataas na bilang ng COVID-19 fatalities.

Dalawa hanggang apat na linggong ECQ ang hiling ngayon ng mga doktor partikular sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur at Sorsogon, gayundin sa mga lungsod ng Naga, Legazpi at Sorsogon dahil ang mga lugar na ito ang may mga nakaka alarmang kaso ng COVID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *