Mga nabakunahan sa A1 priority list sa Isabela, umabot na sa 94%

Umabot na sa 94.7% ang mga health workers na nabakunahan para sa first at second dose ng COVID-19 vaccine sa lalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng 92.9 brigada News FM Cauayan kay National Health Immunization Program Coordinator Chamille Claravall, sinabi niya na kaunting bahagdan nalang ang hindi pa nababakunahan sa mga kabilang sa health workers o A1.

Gayunman, mababa aniya ang bilang ng mga nabakunahan sa hanay ng mga senior citizen o A2 mula sa target na halos 100,000.

Ito anya ay dahil ilan sa kanila ay nag-aalinlangan pa rin sa pagtanggap ng bakuna.

May ilan naman aniya na nakatanggap na ng first dose subalit naantala ang pagtanggap sa second dose dahil ilan sa mga ito ay maaring nagkaroon ng sintomas ng COVID-19, may exposure sa nagpositibo sa naturang sakit o ‘di kaya naman ay dahil hindi makapunta sa kanilang schedule sa iba pang kadahilanan.

Ayon pa sa kaniya, may ilan ding nakaranas ng adverse effect at nag-aalinlangan na muling magpaturok subalit maliit lamang aniya ito na bilang.

Kaugnay nito ay tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pagkukumbinsi sa mga ito upang mahikayat na magpabakuna katuwang ang mga opisyal sa barangay at barangay health workers para makumpleto ang kanilang proteksyon.

Isinasabay na rin aniya ng Provincial Government ang pagbibigay ng health education sa kanilang pagtungo sa mga LGU sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng TUPAD.

Umaasa naman ang Pamahalaang Panlalawigan na mabakunahan na ang lahat ng mga kabilang sa priority list ng DOH para makamit ang herd immunity sa lalawigan at para sa kaligtasan ng mga mamamayan kontra COVID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *