Mga suspek sa pagpasabog at pagpaslang sa mag-pinsan na Absalon sa Masbate, kinilala na

SORSOGON CITY – Pinangalanan na ng Masbate City Police ang mga suspek na pawang mga kasapi ng New People’s Army (NPA) na imbuwelto sa pagpapasabog ng anti-personnel mine (APM) at pagpatay sa mag-pinsan na Absalon sa lungsod ng Masbate.

Kinilala ang mga ito na sina Eddie Dela Peṅa Rosero alias Ka Star/ Arnold; mag-asawang sina Diolito Ochoco Medina at Arlene Salazar Rance na siyang operator at nagpasabog ng bomba; Richard Laurio alias Ka Bota/Nonem; Ronel Plano Rodio alias Moting; Jerome Verano alias Ruben; Lloyd Moris Escorel; Allan Goyala at Dolores Rapsing Bilibit lahat mga mandirigmang gerilya ng Larangan 1, Komite Probinsya 4 sa ilalim ng pamumuno ni ‘Ka Star’ na siyang kinikilalang commanding officer ng nasabing platun.

Ayon sa source ng Brigada News FM-Sorsogon nagsasagawa na ng serye ng case briefing ang Prosecutor’s office at mga legal officers ng PNP-Masbate hinggil sa kasong isasampa sa mga suspek.

Kung babalikan, umaga noong Hunyo 6, habang nagbibisikleta ang mag-pinsan na sina Kieth Balandra Absalon, 21-anyos at Nolven Tepait Absalon, 40-anyos kasama ang apat pang ka-pamilya nang biglang sumabog ang itinanim na APM ng hinihinalang NPA sa dinaanan ng mga biktima sa Brgy Anas, lungsod ng Masbate.

Ayon sa salaysay ng mga saksi, matapos na tumilapon sa kanilang bisikleta ang mag-pinsan ay lumabas sa pinagtataguan ang mahigit-kumulang 12 armadong lalaki at pinagbabaril nang malapitan ang mga biktima.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang debris ng 5 pirasong PVC pipe, 20 pirasong putol na 8mm round bar bomb enhancement, isang pirasong blasting cap fragment, tatlong pirasong bala at 19 na basyo ng bala mula sa Cal 30 AK47 at 60 pirasong basyo ng bala mula sa Cal 5.56 o M16 rifle.

Nabatid din na may dalawang pagsabog ang naganap kung saan unang sumabog ang bomba na itinali sa isang puno ng kahoy na may isang metro ang taas mula sa kalsada at ang isang bomba ay itinanim sa lupa na may layong 2.8 meters sa kalsada. Ang dalawang bomba umano ay may distansiyang 12.1 metro ang layo sa bawat isa.

Ang magpinsan na Absalon ay inihatid na sa kanilang huling hantungan noong Linggo, Hunyo 13.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *