Minimum wage rate sa Bicol, papatak na sa P365 sa lahat ng sektor

BNFM BICOL— Pormal nang naglabas ng Wage Order ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board hinggil sa dagdag sahod o umento sa ‘minimum wage rate’ ng mga manggagawa sa Bicol region. 

Batay sa inilabas na anunsiyo ng nasabing tanggapan, papatak na sa P365.00 ang bagong minimum rate ng mga manggagawa sa lahat ng sektor sa rehiyon, mula sa dating P310.00 kung kaya’t lumalabas na halagang P55.00 ang idaragdag sa minimum wage.

Hahatiin sa dalawang tranches ang pagbibigay ng nasabing dagdag sahod kung saan ang P35.00 ay ibibigay sa effectivity ng Wage Order habang ang karagdagang P20.00 ay dapat namang maibigay ng mga employer simula December 1, 2022.

Samantala, naglabas din ng Wage Order No. RBV-DW-02 ang board kung saan iniuutos nito ang umento sa sahod ng mga domestic workers sa rehiyon.

Sa ilalim ng nasabing order, karagdagang P1,000 ang iniuutos na umento para sa mga nasa chartered cities at first class municipalities habang P1,500 naman sa iba pang mga munisipyo, daan upang pumatak sa P4,000 ang ‘new monthly wage rate’ ng mga kasambahay sa rehiyon.

Matatandaan na September 2018 pa huling nagpatupad ng dagdag pasahod sa mga manggagawang Bicolano ang board, habang asahan naman na magiging epektibo ang bagong minimum wage rate 15 araw matapos ilabas ng RTWPB ang nasabing kautusan.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *