Obiena, makakatanggap ng incentives matapos magtala ng bagong Asian record

Aabot sa P1.5-million na gantimpala ang naghihintay para sa Pinoy pole-vaulter na si EJ Obiena matapos nitong magrehistro ng panibagong Asian at national record sa 17th Golden Roof Challenge sa Inssbruck, Austria noong Linggo.

Ito ay matapos ma-clear ni Obiena ang 5.93 meters na talon na tumalo sa 5.92m record na naitala ng Kazakh na si Igor Poptapovich sa 1998 Paris World Indoor Championships.

Aprubado na ng Philippine Sports Commission ang nasabing gantimpala base sa naging huli nitong board meeting.

Sa ngayon ang hinihintay na lang ay ang kumpirmasyon mula sa World and Athletics Federations para opisyal na makilala ang ginawang pagbasag ng 25-anyos na Tokyo Olympian sa 23 taong Asian record.

Una nang nagbigay ang PSC ng P250,000 reward kay Obiena matapos nitong malampasan ang dating national standard na 5.87m na naitala sa Poland noong June sa pamamagitan ng kaniyang 5.91m sa Paris meet noong nakaraang buwan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *