OPD ng BRTTH sa Albay, pansamantalang isasara simula ngayong araw

BNFM BICOL—Inanunsiyo ng pamunuan ng Bicol Regional Training and Teaching Hospital o BRTTH sa lungsod ng Legazpi na simula ngayong araw ng Miyerkules, January 12, ay pansamantala munang isasara ang Out Patient Department o OPD ng nasabing pagamutan.

Batay sa panawagan ng BRTTH sakanilang official Facebook page, ang temporaryong pagsasara ng OPD ay bilang paghahanda ng nasabing pagamutan sa posibleng pagtaas  o surge ng COVID-19 cases sa lalawigan ng Albay dahil na rin sa banta ng Omicron variant.

Ang naturang aksyon din anila ang isa sa mga hakbang upang maiwasan ang pagkakaroon ng malawakang COVID-19 infection na maaaring mas maghatid ng peligro sa mga pasyente at maging sa mga health workers.

Bunsod nito, iminumungkahi muna sa ngayon ng BRTTH sa lahat ng mga pasyenteng nais magpakonsulta na magpatingin muna sa ibang mga health centers at pagamutan at maaari ding makipag-ugnayan sakanilang TeleHealth Project sa mga numerong 0929-722-5346/ 0929- 722-9238.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *