P3.6B na shabu, paiimbestigahan ng Pampanga solon

Maghahain ng resolusyon si House Senior Deputy Speaker at Pampanga Third District Representative Aurelio Gonzales Jr. upang paimbestigahan ang dalawang insidente ng pagkakakumpiska ng bilyun-bilyong pisong halaga ng ilegal na droga sa kanyang probinsya.

Ayon kay Gonzales, nakakaalarma ito dahil hindi naman kilala ang Pampanga na “home ground” ng drug traffickers ngunit nabibigyan ng masamang imahe ang lalawigan.

Kamakailan ay naiulat ang 530 kilos ng pinaniniwalaang shabu na nasabat sa bayan ng Mexico habang noong nakaraang buwan naman ay nasamsam ang 200 kilos ng droga sa abandonadong parking lot sa Mabalacat City.

Aalamin aniya sa imbestigasyon kung sino ang mga indibidwal na sangkot sa drug shipment, paano ito nakalusot sa bansa at saan-saan ide-deliver ang suplay.

Ipinunto ni Gonzales na matapos marekober ang 3.6 billion pesos at 1.3 billion pesos na halaga ng mga droga ay makikitang bumibigat na naman ang problema sa bansa.

Hinimok din ng kongresista ang law enforcement agencies, barangay at local officials na paigtingin ang surveillance at monitoring sa drug traffickers.

Pinawawalang-bisa naman nito ang business permits ng Subic Freeport locators na sangkot sa pagkakapuslit ng kontrabando at mga warehouse kung saan ito itinago.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *