Pagkain ng mga preso sa lock-up cell ng Koronadal City PNP, kulang!


KORONADAL CITY — INAMIN ngayon ng pamunuan ng Koronadal City PNP na kulang ang pagkain ng mga preso sa kanilang lock-up cell.

Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal kay Police Lt. Col. Joefel Siason, hepe ng Koronadal City PNP, kinumperma nito na dalawang beses na lamang kumakain sa isang araw ang mga preso dahil kulang ang budget ng city government para makakain ang mga ito ng tatlong beses sa loob ng isang araw.

Sinabi ni Siason na P500,000 ang budget sa pagkain ng mga ito sa loob ng isang taon.

Ngunit nahihirapan umano silang pagkasyahin ito dahil na rin sa dumaraming bilang ng mga preso na ngayon umaabot na sa mahigit 70.

Patuloy umano ang pagdami ng kanilang mga detainees dahil na rin sa patuloy din na operasyon ng pulisya laban sa iba’t-ibang uri ng kriminalidad.

Paliwanag ni Siason na hindi rin agad-agad na mailipat ang mga ito sa South Cotabato Provincial Jail o sa Bureau of Jail Management and Penology o BJMP dahil sa mga sinusunod na health restriction sa Covid-19.

Sa ngayon, nag-a-ambag-ambag umano ang mga preso para sa kanilang agahan habang sagot naman ng Koronadal City PNP ang kanilang tanghalian at hapunan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *