Panganib ng tradisyunal na ‘pukpok,’ ipinaalala ng CHO

SORSOGON CITY – Pinaalalahanan ng Sorsogon City Health Office (CHO) ang mga magulang na hanggat maari ay iwasan na ang pagpapatuli sa kanilang mga anak sa tradisyunal na pamamaraan o mas kilala sa tawag na ‘pukpok.’

Ayon sa opisina, bagama’t marami pa rin na lugar sa lungsod lalo na sa mga liblib na barangay ang nanatili sa ganitong paraan ng pagtutuli ay dapat na itong iwasan dahil sa panganib na dulot nito sa mga kabataan.

Maliban kasi sa impeksyon na maaring maidulot ng hindi malinis na mga kagamitan ay delikado rin ito sa mga kabataan lalo na kung hindi tama ang pagtutuli kung saan maaring maubusan ng dugo ang isang bata at maling mga gamot na basta na lamang inirerekomenda ng mga nagtutuli na walang sapat na kaalaman sa medisina.

Panawagan ng CHO sa mga magulang na dalhin na lamang sa mga clinic at ospital ang kanilang mga anak dahil mas ligtas ito at malayo sa kapahamakan dahil pawang mga eksperto lang dapat ang nagsasagawa ng circumcision.

Ang tuli o circumcision ay isang uri ng operasyon na isinasagawa sa mga kalalakihan kung saan ang balat na bumabalot sa dulo ng ari ay tinatanggal.

Maaari itong isagawa sa mga bagong silang na sanggol ngunit ang pinakamadalas ay mga kabataan na nasa edad 9-13.

Ayon sa mga eksperto, nakatutulong and tuli upang makaiwas sa ilang mga karamdaman at kabilang na rito ang cancer.

Posibleng magkaroon ng build-up ng smegma o dumi sa foreskin ng ari ng lalaki kapag hindi natulian.

Posible ring maging breeding ground sa bakterya ang foreskin ng lalaki kaya mahalagang matanggal ang balat na ito upang makaiwas sa iba’t ibang sakit. Nakatutulong ang tuli upang makaiwas sa mga sakit kagaya ng penile cancer, phimosis, UTI o urinary tract infection, balanitis, mas mababang panganib ng STD at madaling mapanatiling malinis ang ari kapag tuli o wala na ‘yong balat na nakatakip sa ulo nito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *