Pangulong Bongbong Marcos, bumisita sa Filipino Community sa Singapore

Maaga pa lang ay mahaba na ang pila ng mga Pilipinong nais makita nang personal si Pangulong Bongbong Marcos sa Singapore.

Alas-sais ng gabi ay bumisita ang Pangulo sa Filipino community sa National University of Singapore.

Tinatayang aabot sa 2,000 mga Pinoy ang dadalo sa venue.

Una nang napaulat na mabilis na na-‘fully-booked’ ang venue mula nang buksan ang registration para sa mga nais makadaupang-palad si Marcos at masaksihan ang pagtatanghal ng ilan sa atin mga kababayan doon.

Kaninang alas-12:45 ng tanghali nang lumapag ang sinasakyang eroplano ni Marcos sa Changi Airport sa Singapore, kasama si First Lady Louise Araneta-Marcos at ang kanyang delegasyon.

Simula naman bukas, bibisita si Marcos at ang First Lady sa Singapore Botanical Gardens kung saan ay mayroong orchid na ipapangalan sa kanila.

Inaasahang malalagdaan ang ilang bilateral agreements sa counterterrorism at data privacy kasama si Prime Minister Lee Hsien Loong matapos ang ceremonial welcome sa Istana sa pangunguna ni President Halimah Yacob.

Matapos nito ay ang serye ng mga economic events sa pamamagitan ng briefings mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas at Finance Department, na susundan ng roundtable meetings ng Department of Trade and Industry at counterparts nito.

Unang state visit ni BBM sa Indonesia, naging produktibo

Tinawag na ‘produktibo’ ni Marcos ang kanyang kauna-unahang state visit sa labas ng bansa mula nang maupo ito sa puwesto.

Sa isang pre-departure press conference, sinabi ng Pangulo na maraming mga matagumpay na napagkasunduan ang Gobyerno ng Pilipinas at ng Indonesia.

Pinag-usapan ng dalawang lider ang mga plano nito para sa ASEAN na nakatakda sa Nobyembre.

Natalakay din ang mga paraan para maayos ang trade imbalance ng dalawang Estado pati na rin ang planong pagsu-supply ng Indonesia ng fertilizer para sa ating agriculture sector.

Mga negosyante ng Indonesia nagpahayag ng interes na na mamuhunan sa Energy, Transportation, at Agriculture sector ng Pilipinas

Nagpahayag ng interes ang mga negosyante ng Indonesia na mamuhunan sa Pilipinas matapos ang pakikipagpulong ni Marcos sa business community ng naturang bansa.

Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na kabilang sa mga industriya kung saan naghayag ng kanilang interes na mamuhunan ang indonesian businessmen ay sa sector ng enerhiya, transportasyon, at agrikultura.

Sa kabila nito hindi naman masabi ni Angeles ang kabuoang halaga ng investment na posibleng pabaon ni Pangulong Marcos sa kanyang Indonesian trip.

Inihayag naman ng kalihim na patunay lamang ito na malaki ang interes ng indonesian business community sa ekonomiya ng Pilipinas at kumpiyansa ang mga ito sa ginagawang mga hakbang para sa economic recovery o muling pagbangon ekonomiya ng bansa.

Magugunitang maliban sa mga posibleng investment deal, nilagdaan din ng dalawang bansa ang Philippines-Indonesia Plan of Action roadmap cooperation, renewal of agreement on defense and security cooperation, at Memorandum of understanding on cultural cooperation.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *