Pasahero, nadismaya nang malaman na hindi binayaran ng ticketing outlet ang binili nyang ticket sa eroplano

Labis ang pagkadismaya ng isang pasahero matapos na makabili ng ticket sa eroplano pero hindi naman pala ito makakasakay pauwi.

Ayon kay Ms. Angela Meneses ng Taytay Palawan na anak ng pasahero, pauwi sana noong Sept. 10, 2022 ang kanyang ina at isang kapatid sa Manila subalit nang pumunta sila sa Puerto Princesa International Airport ay nalaman sa airline na hindi binayaran ang ticket pero na-transact.

Nanlumo umano ang kanyang ina na inakalang makakauwi na papuntang Manila noong araw na iyon.

Isang buwan ang lumipas bago ang flight nang magpa-book sila sa ticket na nagkakahalaga ng P4, 000.

Mula sa bayan ng Taytay ay gumastos pa umano sila ng mahigit P5, 000 sa pananatili sa Puerto Princesa dahil sa hinahabol na refund sa KL Ticketing Outlet Travel Agency.

Noong una ay raw ay naging maayos ang transaksyon nila sa isang Joseph Ompad ng Ticketing Outlet kaya nagtiwala sila na muling bumili dito ng ticket noong July 2022 mula Manila papunta sa Puerto Princesa.

Na-refund umano ang kanilang gastos sa ticket pero nais ni Ms. Angela na bayaran din ni Joseph Ompad ang mga ginastos at bayad sa abala.

Sinubukan ng Brigada na makausap ang inirereklamong outlet subalit hindi sumasagot ang mag-asawang Alma Mendoza at Joseph Ompad na tatlong beses nang inireklamo sa Brigada.

Samantala, may labindalawang pormal na reklamong kinakaharap ang mag-asawang may ari ng KL Ticketing Services sa Barangay Tagburos pero hindi nila ito maayos na hinaharap, ayon kay Kapitan Roberto Tero.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *