PHO hihilingin sa mga LGU na magkolekta ng specimen para sa RT- PCR test kahit araw ng Linggo.

CAMARINES NORTE- Hihilingin ng Provincial Health Office (PHO) sa mga Local Government Units (LGUs) sa Camarines Norte na magkolekta ng specimen para sa RT- PCR test kahit araw ng Linggo o kung maaari ay maging 24/7 na ito.

Ito ay upang mas mapabilis ang paglalabas ng mga resulta sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID- 19 sa lalawigan.

Ayon kay acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco nakakapagpadala ang lalawigan ng mga samples sa laboratoryo tuwing araw ng Martes, Miyerkules at Biyernes.

Kaya’t madalas na mayroon lang resulta sa mga araw ng Miyerkules, Huwebes, Biyernes at Sabado.

Nais ni Francisco na hilingin ng mga Alkalde sa mga staff ng kani- kanilang Rural Health Units na mag swab pa rin kahit Linggo upang makapagpadala ng resulta kinaumagahan ng Lunes.

Kapag nangyari ito, limang araw nang mayroong resulta ang lalawigan mula sa dating apat na araw lang.

Ang bagay na ito aniya ay posibleng isa sa mga mapag usapan sa gagawing pagpupulong ng League of Municipalities of the Philippines (LMP)- Camarines Norte Chapter sa June 30 kung saan magiging resource person ang PHO.

Nitong weekend nakapagtala ang lalawigan ng nasa 59 na bagong kaso ng COVID- 19, 47 dito ay noong Sabado na pinakamataas mula ng tumama ang pandemya noong isang taon at muling nakapagtala ng 12 bagong kaso noong Linggo.

Sa datos ng PHO as of June 28, nasa 887 na ang kabuuang kaso ng sakit sa lalawigan.

Sa bilang na ito, 302 ang aktibong kaso kumpara sa zero case sa kaparehong panahon noong isang taon.

Nasa 547 ang nakakarekober sa sakit at 38 naman ang nasawi.

Ayon kay Francisco malaki ang kinalaman ng patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso ng sakit sa pagsunod at hindi pagsunod sa mga health protocols.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *