Pimentel, pinalagan ang umano’y pangingialam ng China sa Foreign Policy ng Pilipinas

Nanindigan si Senate Minority Leader Koko Pimentel na hindi dapat tayo pakialaman ng China.

Ginawa ni Pimentel ang pahayag matapos ang inilabas na pahayag ni Chinese Ambassador Huang Xilian na sana raw ay kilalanin ng Pilipinas ang ipinaiiral nitong ‘one-China’ policy sa gitna ng tensyon sa Washington at Beijing dahil sa pagbisita ni US House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan.

Ayon kay Pimentel, tanging Pilipinas lamang ang makakapagtakda ng sarili nitong foreign policy.

Aniya, matagal naman nang mayroon pinaiiral na sariling policy ang Pilipinas kaya hindi na kinakailangan pang magbigay ng paalala ang China.

Bago ito, una nang pumalag ang kasamahan niya sa Minority Bloc na si Senadora Risa Hontiveros sa mga pahayag ng Chinese envoy at sinabing hindi dapat nito pinapangunahan ang Pilipinas.

Sinabi pa ni Hontiveros na hindi dapat manggaling sa China ang pagiisyu ng mga ganitong pahayag lalo na’t sila nga mismo ay hindi kumikilala sa ruling ng international court pagdating sa pagkilala ng soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Sa hiwalay na pahayag kamakalawa, naglabas na ng pahayag ng pagkabahala ang Department of Foreign Affairs ng Pilipinas.

Dito ay tiniyak ng DFA na kinikilala ng Gobyerno ang one-China policy at sinabing dapat manaig ang diplomasya at dayalogo sa mga concerned parties.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *