Plate number na nakita sa gateaway vehicle ng mga sangkot sa pananambang sa isang bise mayor, hindi na umano hawak ng NVSU

Nanindigan ang Nueva Vizcaya State University na hindi na nila pagmamay-ari ang plate number ng ginamit na gateaway vehicle ng mga suspek sa pananambang at pagpatay sa bise mayor ng Aparri, Cagayan at lima nitong kasamahan kamakailan.

Base sa inilabas na official statement ng Unibersidad, ang plakang SFN 713 na natukoy sa sinakyan ng mga suspek ay matagal nang wala sa kanila noon pang March 5, 2019.

Matagal na umano nilang ipinasakamay sa LTO ang plaka dahil ang sasakyan nila ay nasira na at ngayo’y nasa kanilang motorpool.

Bukod dito, agad umanong nagtungo ang opisyal ng NVSU upang tignan kung nasa LTO ang plaka na kinumpirma naman mismo ng LTO Nueva Vizcaya na nasa kanilang pangangalaga ito.

Dahil dito ay iginiit ng unibersidad na wala umanong basehan upang sabihing ninakaw sa kanila ang naturang plaka at handa ang mga ito na makipagtulungan sa anumang isasagawang imbestigasyon.

Sa isang pahayag, sinabi naman ni NVSU President Wilfredo Dumale Jr. na ang plakang SFN 713 ay nairehistro noon sa ilalim ng NVSIT na ngayong NVSU na at ginamit ng isa sa kanilang dating presidente.

Taong 2019 nang naging non-serviceable na ang sasakyan dahilan upang ipasakamay na nila sa LTO ang plate number at hindi na inirehistro pa.

Paliwanag ng opisyal, ipinapasakamay sa LTO ang plaka ng mga hindi na ginagamit na sasakyan bago ipa-renew upang hindi mapatawan ng multa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *