POSD, nagpaalala sa paggamit ng double face mask; mahigpit na pagbabawal ng mass gathering, tinututukan

Pinaalalahanan ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan City ang publiko na sumunod sa pagsusuot ng double facemask alinsunod sa Executive Order No. 23 na inilabas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, pangunahin sa pinupuntahan ng apprehension team upang paalalahanan sa pagsusuot ng double face mask at pagsunod sa ilan pang health protocols ay ang mga matataong lugar tulad ng mga banking establishments, private market at restaurants.

Aniya, sa ngayon ay hindi pa umano nagpapataw ng multa ang POSD sa mga makikitang hindi nagsusuot ng double facemask kundi pinapaalalahanan lamang ang mga ito.

Bagaman marami aniya ang hindi komportable rito dahil nahihirapan sa paghinga o masakit sa tainga ay kinakailangan pa ring sumunod sa ordinansa para sa sariling kaligtasan.

Dagdag pa ni POSD Chief Mallillin, kanilang tinututukan ngayon ang mahigpit na pagbabawal sa mass gatherings na kinabibilangan ng kasalan, birthday party, binyag at iba pa upang maiwasan ang maaaring pagkalat ng COVID-19.

Kabilang dito ang pagpapatupad ng curfew hours mula 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga habang sa mga business establishment naman ay mandatong magsara bago sumapit ang alas 9:00 ng gabi.

Sa mga nahuhuli aniyang hindi sumusunod ay maaaring makasuhan ng paglabag sa RA 11332, mapatawan ng penalty o sumailalim sa community work.

Ayon pa rito, ilan sa mga nahuhuling lumalabag sa quarantine restrictions partikular sa curfew hours ay agarang idinadala sa mandatory triage sa ISU Cauayan quarantine area para sa antigen test kung saan aniya kung nagpositibo ang mga ito ay sasailalim sa 7-14 days isolation.

Muling hinikayat ni POSD Chief Mallillin ang kooperasyon ng publiko sa pagsunod sa mga umiiral na health protocols lalo na aniya ang pagsusuot ng double face mask upang magpatuloy ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lunsod at bilang maagang pag-iingat sa maaring banta ng Delta Variant.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *