Pure face-to-face classes sinimulan na ngayong araw ng isang pribadong eskwelahan sa Camarines Norte

CAMARINES NORTE- Sinimulan na ngayong araw, Agosto 8, ang purong face-to- face classes sa High School Department ng Mabini Colleges sa bayan ng Daet pagkaraan ng dalawang taon.

Aabot sa mahigit 2, 400 ang enrollment sa Junior at Senior High School na mas marami kumpara noong nakaraang School Year.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay G. Elmer Delos Angeles, Principal ng High Department ng naturang eskwelahan, maximum na 36 na estudyante  ang mayroon sa sa bawat classroom habang ang iba naman ay mahigit dalawampu.

Paliwanag ni Delos Angeles, mayroong tatlong options na ibinigay ang Department of Education para sa pagbubukas ng klase ngayong School Year 2022- 2023.

Ang una umano dito ay ang five days in person, pangalawa ay 4 days in person, 1 day blended learning o kaya naman ay 2 days blended at ang ikatlo fully online.

Pinili umano ng Mabini Colleges na ipatupad na ang pure face-to – face classes pero mayroon pa ring mangilan- ngilang nasa ibang bansa ang online.

Batay daw kasi sa pahayag ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa Nobyembre ay gagawin nang pure face- to- face ang klase at  ang kagandahan umano nito ay wala nang transition na mangyayari sa panig ng eskwelahan.

Sakali namang kailanganing bumalik sa blended learning sa gitna ng muling pagtaas ng mga kaso ng COVID- 19 ay nakahanda naman umano ang eskwelahan.

Tiniyak rin ng pamunuan ng eskwelahan na naipapatupad ang health protocols kontra COVID- 19 pagpasok pa lamang sa gate.

Maliban sa gwardiya na nakatalaga sa entrance mayroon ding dalawang roving guard na siyang magpapaalala sa mga estudyante at titiyak na nasusunod ang health prorocols.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *