Serbisyo ng City Vet sa mga pet owners sa ibang bayan, nakadepende kung papayagan ng city Mayor; kawalan ng veterinary office sa mga ito, nananatiling problema

SORSOGON CITY – Nilinaw ng Sorsogon City Veterinary Office na hindi nila isinasara ang kanilang pintuan sa lahat ng mga pet owners na hindi residente ng lungsod at nais mag- avail ng kanilang serbisyo.

Gayunpaman, sinabi ni City Veterinarian Dr. Alexander Destura na nakadepende ito kung papayagan ni City Mayor Ester Hamor ang pagbibigay nila ng serbisyo sa mga mula sa labas ng lungsod kung saan ayon sa opisyal, kailangan muna kasi nilang unahin ang problema sa syudad pagdating sa pagsugpo sa rabies, mga asong gala at pagsasagawa ng mga castration at deworming.

Batid ng opisyal na talagang maraming pet owners ang nais na makakuha ng libreng serbisyo lalo pa at lahat ng mga bayan sa lalawigan ay walang mga Municipal Veterinary Office at bukod tanging mayroon lamang ay ang Sorsogon City at ang Provincial Veterinary Office na nasa bayan ng Juban.

Nauna nang sinabi ng Provincial Government na nasa proseso na ngayon ang planong pagkakaroon ng mga Veterinary Offices at uunahin umano  na lalagyan ng nasabing tanggapan ang mga malalaking area tulad ng  bayan ng Bulan at Pilar.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *