Taliban, tiniyak na hindi mandatory ang burqa para sa mga kababaihan

Tiniyak ng Taliban, na may hawak ngayon sa kapangyarihan sa Afghanistan, na hindi gagawing mandatory ang pagsusuot ng burqa ng mga kababaihan, hindi katulad noong huli nitong pamunuan ang naturang bansa bago ang pag-atake ng Amerika.

Ang burqa ay isang one-piece overgarment na nagtatakip sa buong ulo at katawan ng babae, mayroon itong mesh panel para makakita ang magususuot nito.

Sa ilalim ng hardline rule ng mga militante mula 1996-2001, ay bawal mag-aral ang mga kababaihan, hindi rin pwedeng magtrabaho o maglakbay ang mga babae, at pilit rin silang pinagsusuot ng burqa sa publiko.

Sinabi ni Suhail Shaheen, spokesman ng political office ng grupo sa Doha, na hindi naman limitado lang sa burqa ang hijab o headscarf na pwedeng gamitin ng mga babae.

Iginiit rin ni Shaheen na nangako na ang Taliban sa mga international conferences, na papayagan na nito na makakapag-aral ang mga kababaihan mula elementarya hanggang kolehiyo.

Bukod sa kasuotan at edukasyon ng mga kababaihan, ay nagpahayag rin ng pangamba ang maraming bansa at rights groups kaugnay sa mga uri ng parusa na ipinatutupad ng Taliban.

Matatandaan na ilan lamang sa mga madugong parusa ng Taliban para sa mga babae na sangkot sa pagtataksil sa asawa, ay ang stoning habang ang mga nagnakaw naman ay pinuputulan ng kamay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *