Tatlong estudyante nalunod sa dagat, 1 patay

Nauwi sa malagim na trahedya ang masaya sanang selebrasyon ng mga magkakaibigan sa Public Beach sa Puerto Princesa City.

Ito ay matapos na malunod nitong Linggo, March 12, 2023 sa dagat ng Brgy. Napsan ang tatlong estudyante na naroon at ipinagdiriwang ang kaarawan ng isa nilang kaibigan.

Ayon sa Punong Barangay na si Gerry Acosta, nangyari ang pagkalunod ng mga biktima bandang alas-dose ng tanghali kahapon sa kasagsagan ng malalaking alon dulot ng hanging amihan.

Ang mga biktima ay pawang 16 anyos at mga mag-aaral sa Napsan National High School.

Dalawa sa kanila ang nailigtas subalit namatay ang isa na kinilala ng opisyal sa pangalang Richard Limuaco Aro.

Bandang alas-kwatro na umano ng hapon bago nakita sa ilalim ng dagat si Richard ngunit pagdating sa Napsan Satellite Clinic ay wala na itong buhay.

Una rito, agad nailigtas ang mga kasama nito na sina “Rowel Jhon Cayao at  “Jimboy Cayao”, ayon pa sa opisyal.

Nagtulong-tulong ang mga mangingisada, tauhan ng Philippine Coast Guard, tanod, opisyal ng Barangay, PNP at City Mobile Force Company na naka-base sa Brgy. Napsan upang sila’y mailigtas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *