Vaccination Drive sa mga bata, sinimulan na sa Legazpi City

LEGAZPI CITY – Sinimulan na sa Legazpi City ang Measles-Rubella Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity na may temang “Chikiting Ligtas, sa dagdag bakuna kontra Polio, Rubella at Tigdas” sa isang mall sa lungsod kahapon.

Ayon kay Maita Bobis, DOH Bicol Family Health Cluster Head Medical Officer, target na makuha ang  mass vaccination coverage na 95% sa rehiyon.

Aniya, ang mga sakit na measles o tigdas, rubella o tigdas-hangin at polio ay mga sakit na lubhang nakakahawa at maaaring maging sanhi ng kamatayan o pagkasawi.

Ito ay walang gamot at tanging bakuna lamang ang paraan upang masigurong ligtas ang mga bata.

Hindi lamang ang lungsod ang naglunsad ng pagbabakuna, kundi maging ang iba pang mga lalawigan, lunsod at bayan ay nagsagawa rin nito para sa mga sanggol na 0-59 months.

Layunin nito na masiguro ang kanilang kaligtasan laban sa nakakahawa, mapanganib at nakamamatay na sakit na maiiwasan sa pamamagitan ng pagpapabakuna.

Kabilang sa mga nagpabakunang mga residente ay mula sa Brgy. Bitano, Dinagaan, Baño, Bagumbayan at Cabangan.

Ang oral polio vaccine ay para sa mga batang may edad 0-59 months habang ang measles-rubella vaccine ay para sa edad 9-59 months.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *