Vaccination sa Measles, Rubella at Oral Polio sa Naga City, nagiging mabagal na ang turn out; ilang bayan naman sa Camarines Sur pansamantalang itinigil ang pagbibigay ng Oral Polio Vaccine

NAGA CITY – Sa mahigit 45, 000 na mga bata na target population na dapat na mabigyan ng Measles, Rubella, Oral Polio Vaccines sa Naga City, mahigit 9, 000 pa lang ang nakakatanggap nito.

Sinabi sa Brigada News FM Naga ni Naga City Health Nurse III Nelia Benito na nagiging mabagal ang turn out ng bakunahan, ilang mga bata kasi ang apektado ng sobrang init ng panahon na nararanasan sa lungsod, mahirap din para sa mga Health Workers na mga nagbabahay-bahay na nagbabakuna, ang ibang mga magulang naman ay tuwing weekend lamang available at may mga magulang pa ring takot na mabigyan nito ang kanilang mga anak sa kabila ng ito ay subok nang mga gamot laban sa mga nabanggit na sakit.

Tiniyak ng opisyal na sapat ang bakuna sa lungsod at tumatanggap sila ng mga gustong magpabakuna mula sa ibang bayan, ang mahalaga aniya ay mabigyan ang mga bata ng bakuna laban sa mga sakit, lalo na’t isa ang lungsod sa naging prayoridad mabigyan ng sapat na bakuna.

Samantala, ilang bayan sa Camarines Sur, ang pansamantalang itinigil ang pagbabakuna kontra oral polio dahil sa kakulangan ng bakuna para rito. Ubos na kasi ang supply na inilaan at kasalukuyang hinihintay pa tulad ng sa Tigaon, Camaligan at ilan pa.

Kinumpirma rin ito ni Dr. Rey Millena ng Department of Health Cam. Sur dahil sa delay procurement ng naturang bakuna na mula pa sa ibang bansa ngunit sapat ang bakuna kontra measles at rubella, inamin rin ng opisyal na naging prayoridad ang Naga City, Iriga City, LGU Caramoan, at ilan pang bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *