Viral posts ng sinasabing kidnapping at torture sa ilang Chinese hindi nangyari sa Pilipinas – PNP

Hindi kinaya ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang mga karumal-dumal na video na ini-uugnay sa sinasabing talamak na kidnapping incidents sa bansa.

Sa isinagawang pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa tumataas na bilang ng kriminalidad, iprinisenta ni Senador JV Ejercito ang ilang mga videos na sinabing nag-viral sa social media.

Kabilang na dito ang insidente sa skyway kung saan nakita sa CCTV ang pagharang sa isang van, panghahampas ng maso sa isang lalaking Chinese, pagtanggal ng taenga sa isang lalaki, at ang video ng isang nakahandusay na lalaki sa isang damuhan na hinihinalang salvage victim.

Sa panig naman ng Philippine National Police, nilinaw ni PNP deputy chief for administration PLTGEN JOSE CHIQUITO MALAYO na batay sa kanilang imbestigasyon hindi nangyari sa Pilipinas ang ilan sa mga nagkalat na video maliban sa Sky way incident at ang natagpuang bangkay sa Cavite.

Duda din sa Malayo sa motibo nang taong nagpapakalat ng naturang video at gustong palabasin na talamak ang kriminalidad sa bansa.

Kasabay niyo tiniyak ni Malayo na gumugulong ang imbestigasyon ng mga kapulisan sa mga viral video na naitala dito sa Pilipinas. (LEY BAGUIO)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *