15 anyos, patay matapos barilin sa Tanauan, Batangas

Binawian ng buhay ang isang 15-anyos na batang lalaki matapos na binaril ng hindi pa nakikilalang suspek habang nakatambay sa gilid ng daan sa Zone 1, Brgy. Natatas, Tanauan City, Batangas dakong 6:30 kagabi ng Lunes, Abril 10, 2023.

Kinilala ni Lt. Col. John Rellian, chief of police ng Tanauan City Police Station ang biktima na si Edcel Perez, residente ng naturang barangay.

Batay sa imbestigasyon, nakatambay lamang sa daan malapit sa kanilang bahay ang biktima ng biglang nilapitan ng hindi pa nakikilalang suspek at binaril ito sa ulo gamit ang hindi pa nalamang uri ng baril.

Agad na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril habang isinugod sa CP Reyes Hospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang basyo ng kalibre 45 na baril.

Sinabi sa Brigada Batangas ni Col. Rellian na blangko pa sila sa motibo ng suspek sa pamamaril dahil wala naman itong natatanggap na anumang banta mula sa kaaway.

Ngunit isa sa kanilang tinitingnan ay ang anggulong may kinalaman sa buhay pag-ibig o may kaugnayan sa mga nakarelasyon ng biktima.

Marami umanong nobya ang biktima at tinitingnan nila kung may kinalaman ito sa krimen.

Sa ngayon ay tinutugis na ang suspek sa inilunsad na follow-up operations.

Nirereview na din ang kuha ng CCTV sa area para sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek sa pamamaril.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *