16 anyos na binatilyo timbog sa buy bust operation ng Paracale Police

CAMARINES NORTE- Timbog ang isang 16 anyos na binatilyo sa isinagawang buy bust operation ng mga operatiba ng Paracale Municipal Police Station Huwebes ng tanghali sa Purok 4, Brgy. Tugos, Paracale, Camarines Norte.

Batay sa ulat ng Paracale Municipal Police Station, nakabili umano sa suspek ang umaktong poseur buyer ng isang  maliit na selyadong plastik na pakete ng hinihinalang shabu.

Matapos ang transaksyon, ay agad na inaresto ang supek at kinapkapan ng mga operatiba at narekober dito ang isang libong pisong  buy-bust money at limang piraso ng maliliit na selyadong plastik na pakete ng hinihinalang shabu na nakuha sa kanang bulsa nito.

Tinatayang umaabot sa tatlong libong piso ang halaga ng nakumpiskang iligal na droga na may timbang na 0.5 gramo.

Ikinalungkot naman ng PNP na isang menor de edad pa man din ang nahuling sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga.

Sa isang pahayag sinabi ni Camarines Norte PNP Provincial Director PCol Julius Guadamor na tila hindi pa nadadala ang mga tulak ng iligal na droga sa kanilang mga ginagawang pagsira sa kinabukasan ng ating mga kabataan.

Lubha aniya itong nakakabahala pero sisikapin umano ng PNP na mabigyan ng proteksyon ang mga kabataan.

Ani Guadamor hindi magsasawa ang kapulisan na tugisin at ipatupad ang batas para madakip at matunton ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng iligal na droga.

Nanawagan rin ang opisyal sa mga magulang na gabayan ng maayos ang kanilang mga anak upang makaiwas sa ganitong klaseng gawain.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *