Bangkay ng 16-anyos na estudyante, natagpuan sa ilalim ng tulay sa Cavite; suspek, pinaghahanap na

Pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad ang suspek na responsable sa pagpatay sa isang 16-anyos na estudyante na natagpuan ang bangkay sa ilalim ng tulay sa Barangay Cabuco, Trece Martires City, Cavite noong umaga ng Lunes, Setyembre 12, 2022.

Kinilala ng suspek Trece Martires City Police Station ang suspek na si Elden Alegria, 33-anyos, isang construction worker, tubong Talisay, Negros Occidental at residente ngayon ng naturang barangay.

Ayon sa Trece Martires CPS, nakilala ang suspek matapos na ang live-in partner nito na si Emilda Aberilla, 46 anyos, ang pumunta sa kanilang himpilan kahapon para kumpirmahin na ang mga naiwang gamit sa crime scene ay pagmamay-ari ng kanyang live-in partner.

Natagpuan ang bangkay ng biktima sa ilalim ng Forever Bridge sa Sunshine Ville Subdivision sa naturang barangay matapos na umalis ng kanilang bahay pasado alas-10:00 ng gabi noong Linggo at hindi na nakauwi.

Batay sa imbestigasyon, narekober ng mga awtoridad ang isang folding knife, sombrero na kulay pula, kulay rosas na face towel, isang pares ng tsinelas na may bahid ng dugo at kulay asul na brief.

Ayon kay Cavite Provincial Police Office, OIC Col. Christopher Olazo, may posibilidad na ginahasa ang biktima dahil nakababa ang pang-ibabang kasuotan nito nang matagpuan.

Ayon naman sa salaysay ng ama ng biktima, sa hindi niya nalamang dahilan ay umalis ng kanilang bahay ang anak pasado alas-10:00 ng gabi noong Linggo.

Nadadaanan umano ng biktima ang bahay ng suspek at sadyang madilim ang lugar.

Sa pahayag naman ng live-in partner ng suspek, nag-away umano sila ng partner at nakipag-inuman bago nangyari ang krimen.

Kasabay sa manhunt operation ay nananawagan si Olazo sa publiko na kung may alam sa kinaroroonan ng suspek ay ipagbigay alam agad sa mga awtoridad para sa agarang ikalulutas ng kaso.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *