Bilang ng mga estudyanteng bumagsak sa distance learning tumaas

CAMARINES NORTE- Tumaas ang bilang ng mga estudyanteng bumabagsak ang grado sa ipinatutupad na distance learning dahil sa COVID- 19 pandemic.

Sa isang panayam, sinabi ni Schools Division Superintendent Nympa Guemo na lumabas sa resulta ng assessment o analysis of grades ng mga estudyante na marami ang bumagsak noong first quarter at mas tumaas pa ito noong second quarter.

Ayon kay Guemo, nasa 2, 855 na mga estudyante ang bumagsak noong first quarter at nadagdagan pa ito ng mahigit 700 noong second quarter makaraang makapagtala ng 3, 577.

Sa walong asignatura ay pinakamaraming bumagsak sa Science noong first quarter.

May pinakamarami namang bumagsak sa English ay mula Grade 4 hanggang Grade 6 at kahit sa Edukasyon sa Pagpapakatao ay may bumagsak pa rin.

Bumaba naman ang bilang ng mga estudyante sa elementarya na bumabagsak ang grado noong second quarter kabaliktaran naman sa sekundarya.

Ayon kay Guemo, hindi lang daan kundi libo ang bilang ng pagtaas ng mga bumagsak na mga estudyante sa sekundarya o mula Grade 7- 10 noong second quarter.

Wala namang naitalang bumagsak sa Senior High School na itinuturing nang mga “independent learners”.

Kabilang sa mga dahilan ng pagbagsak ng grado ng mga estudyante ay ang asignaturang Filipino at Araling Panlipunan na mahahaba  umano ang paragraph.

Isa sa pa sa malaking problema ay ibinabalik ng magulang ang module sa mga guro  na walang sagot.

Kaugnay nito nanawagan si Guemo sa mga guro na hindi ibig sabihin na walang sagot ang module ay dapat nang bigyan ng 60 grado ang bata.

“Ito siguro ang pagkukulang ng ating mga kaguruan na kapag binalik yung module na walang sagot, wala lang, zero, ay di 60 na yung rating ng bata, paano mahahabol ng bata ang kaniyang grade kung 60 na siya,” sabi ni Guemo sa programa ng Division Office na DepEd hour.

Aniya hindi naman pini- pressure ang guro na ipasa ang estudyante dahil wala naman umanong tinatawag na “mass promotion” sa susunod na Grade level.

Ang nais lang umano ng DepEd ay bigyan ng intervention, tulungan ang bata at ang magulang nito na siyang nagsisilbing tagapagturo sa bahay.

“So ngayon kailangan talaga bigyang tulong, kapag binalik ang module na walang sagot, wag lalagyan ng 60, kausapin ang magulang, papuntahin ang magulang , i- explain kung alin doon ang mahirap, ibalik ulit ang module at ipasagot sa mga estudyante, kapag naunawaan na ng magulang kung anong gagawin, kasi walang magulang na magbabalik ng module na walang sagot kung nauunawaan nila”.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *