Comelec nakipagpulong sa AFP at PNP bilang bahagi ng paghahanda sa May 2022 elections

CAMARINES NORTE- Puspusan ang paghahanda ngayon ng Commission on Elections para sa gaganaping halalan sa Mayo.

Kahapon ay nagkaroon ng inisyal na pakikipag usap si Basud, Camarines Norte Election Officer III at miyembro ng Comelec Speaker’s Bureau Annelyn Abanes sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Napag usapan dito ang pagtitiyak ng seguridad sa halalan sa Mayo at ang mga gagawing hakbang upang masiguro ang isang maayos at mapayapang halalan.

Inaasahan na sa mga susunod na araw ay magkakaroon pa ng serye ng pagpupulong sa pagitan ng Comelec, AFP at PNP gayundin sa mga health officials.

Bukod kasi sa usaping panseguridad ay mahalagang matalakay din ang mga ipapatupad na health protocols sa mismong araw ng botohan sa gitna ng COVID- 19 pandemic.

Sa ngayon ay tuloy- tuloy ang pagsasagawa ng Comelec checkpoint na sinimulan noong hatinggabi ng January 9 sa opisyal na pagsisimula ng Election period at gun ban.

Dalawang beses kada araw ang Comelec checkpoint kung saan isa dito ay inisyatibo ng bawat Municipal Police Stations habang ang isa naman ay batay sa direktiba ng Police Provincial Office.

Maaaring gawin ang checkpoint anumang oras sa araw man o gabi.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *