Dengue cases sa Sorsogon City halos doble na ng total cases noong 2021

SORSOGON CITY—Nakitaan ng signipikanteng pagtaas ng kaso ng dengue ang lungsod ng Sorsogon batay sa record ng City Health Office (CHO) mula Enero hanggang nitong August 3, 2022.

Sa panayam ng Brigada News FM Sorsogon kay CHO head Dr. Rolando Dealca, inihayag nito na umabot na sa 59 ang mga kaso ng dengue na naitala sa lungsod sa naturang peryodo.

Anya, sa isang linggo lamang na nagdaan, limang kaso agad ang nadagdag para sa Morbidity Week 30 na nairecord hanggang nitong August 3.

Kung ikukumpara anya sa mga kaso noong 2021 kung saan 22 kaso lamang ang naitala sa buong taon, lubhang mataas ang mga kaso ngayon dahil umabot na ito ng 59 pagpasok pa lang ng buwan ng Agosto. Halos doble na ito ng bilang ng mga kasong naitala sa buong taon ng 2021.

Ayon kay Dealca, posible itong tumaas pa kung hindi matututukan at mabibigyang pansin kung kaya hinimok nito ang mga mamamayan ng lungsod na ugaliin ang paglilinis ng kapaligiran upang maiwasan ang mga bagay na maaaring pamugaran ng lamok.

Binigyang-diin din ng opisyal ang pagtalima sa 4s – Search and destroy, Self protection, Seek early consultation at Support fogging.

Pero nilinaw nito na ang fogging ay last resort na lamang kung kinakailangan at ang pinakamahalaga talaga umano ay ang paglilinis para maiwasan na mayroong lugar na papamahayan ng lamok sa paligid.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *