Flexi-work arrangements sa mga gov’t employees, sisimulan na sa June 15

Sisimulan ng ipatupad sa darating na June 15, 2022 ang tinatawag na flexi-work arrangements sa mga tanggapan ng gobyerno.

Ito ay matapos aprubahan ng Civil Service Commission (CSC) ang Resolution No. 2200209 kung saan papayagan nang i-compress o pagkasyahin ang apatnapung oras na trabaho ng mga kawani ng gobyerno sa loob lamang ng apat na araw o mas mababa pa.

Sa Laging Handa Public Briefing, ipinaliwanag ni Commissioner Atty. Aileen Lizada na ito ang sagot sa takbo at sistema ng trabaho ng mga kawani ng gobyerno ngayong panahon ng new normal.

Ayon kay Lizada, applicable ang flexible work arrangement sa kahit anong working status ng isang empleyado, regular man, permanent, temporary, substitute, fixed-term contract, casual at iba pa.

Ipinunto ng commissioner na ang ganitong klase ng work arrangement ay magbibigay ng mas maayos na working conditions sa mga kawani ng gobyerno lalo’t higit ang mga senior citizens, immunocompromised at may comorbidities.

Kaugnay nito, ipinaliwanag ng CSC na sa ilalim ng resolusyon, may mga maaaring pagpilian ang mga empleyado kung ano ang gusto nilang work set up.

Kabilang dito ang work from home, work from satellite office, work from other fixed place, compressed work week, skeleton workforce, work shifting, flexi-time, o kaya naman ay kombinasyon ng mga ito.

Inatasan naman ng CSC ang mga ahensya ng gobyerno na lumikha ng kanilang mga panuntunan o guidelines para sa gagamitin nilang uri ng flexi-work arrangement alinsunod sa kanilang mga patakaran.(CLAY MARQUEZ)
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *