Grupo ng mga lalaking nambaboy sa isang resort sa Laguna, nag-sorry

Humingi na ng tawad at despensa ang grupo ng mga lalaki sa may-ari ng private resort sa Calamba City, Laguna, na matapos nilang pakinabangan sa kasiyahan ay walang pakundangang sinira ang mga gamit at ipinagtatapon sa pool.

Nitong mga nakaraang araw, mabilis na nagtrending sa social media ang isang video kung saan kitang kita ang pagtatapon ng mga upuan, lamesa, ihawan at maging water despenser ng ilang lalaki sa pool ng Jeremias Resort sa Calamba.

Base sa salaysay ng caretaker ng resort, madaling araw noong Lunes, bandang alas-5:30 ng umaga nang kumatok sa kaniya ang mga ito at kinukuha ang kanilang security deposit na P1,000.

Ngunit sinabi daw noon ng caretaker na i-che-check lang muna niya ang pool, ngunit agad nang kumaripas ng takbo ang mga lalaki gamit ang kanilang mga motor.

Doon na tumambad sa caretaker ang ginawang pambababoy sa resort ng mga lalaki.

Ayon sa isang may-ari ng resort, galit talaga sila dahil hindi makatarungan ang ginawa sa kanilang resort.

Dahil daw sa nangyari, hindi na nakapagbukas pa ang resort kinabukasan dahil sa sobrang daming lilinisin.

Sobrang dismayado rin ang isa pang may-ari ng resort. Aniya, dagdag pa sa pasanin niya ang nangyari dahil ang kinikita ng resort ay ginagamit niya sa kanyang pagpapagamot dahil sa iniindang karamdaman.

Kaugnay nito, kasabay ng pahingi ng sorry ng ilan sa mga lalaking sangkot, inamin daw nilang dala lamang ng alak kaya nila iyon nagawa.

Lumuhod daw noon sa mga may-ari ng resort ang mga lalaki kasama ang kanilang mga magulang bilang bahagi ng paghingi ng tawad at nagbayad ng P30,000 sa naging pinsala.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *