Pagbuwag sa NTF-ELCAC, pinalagan ng NSC

Naniniwala si National Security Council Asst. Director General Jonathan Malaya na hindi pa napapanahon ang pagbuwag sa National Task Force to end Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.

Kasunod ng matagumpay na operasyon laban sa New People’s Army at ang pagsisimula ng exploratory peace talks sa CPP-NPA-NDF.

Pahayag ito ni Malaya kasunod ng naging rekomendasyon ni UN Special Rapporteur Irene Khan na buwagin ang NTF-ELCAC, matapos lang ang sampung araw na pamamalagi nito sa Pilipinas.

Sa pulong balitaan kanina, sinabi ni Malaya na ang NTF-ELCAC ang naging game changer sa mahigit limang dekadang pakikipag laban ng pamahalaan sa communist terrorism na naging dahilan ng pagkamatay ng 40,000 katao at nagdulot ng trilyon-trilyong dolyar na pagkalugi sa ekonomiya ng Pilipinas.

Sa huli nilinaw ni Malaya na bukas sila sa reformation, lalo pa’t premilinary recommendation pa lang ito ni Khan.

Magkakaroon ng bagong bihis ang NTF-ELCAC bilang National Task Force on Unity, Peace and Development.

Ayon kay Malaya, target nilang malansag ang nalalabing 11 guerilla front sa bansa at oras na mangyari ito ay kailangan nang mag trasistion ang pamahalan para sa pagkakaisa sa kapayapaan at pag unlad.

Nilinaw ni Malaya na hindi ito pagbuwag kundi transition lamang.

Ang NTF-ELCAC kasi umano ay isa sa mga susui ng tagumpay ng pamahalaan kontra sa armadong pakikibaka kaya hindi aniya magandang mensahe ito sa publiko kung ito ay tuluyang bubuwagin.

Masusi namang pag-aaralan ng pamahalaan ang ilan sa mga inilatag na rekomendasyon ni Khan, hinggil sa estado ng freedom of expression and opinion sa bansa.

Sa joint statement na inilabas ng Presidential Task Force on Media Security o PTFoMS, kasama ang Department of Justice, National Security Council at Department of Foreign Affairs, nakasaad na susuriin nilang mabuti ang mga rekomendasyon at pag aralan para sa posibleng pagpapatupad nito na maging pundasyon sa transformative measures ng pamahalaan.

Bagaman bukas ang pamahalaan sa reporma, ipinunto ng mga opisyal na mahirap unawain ang mga lokal na detalye sa maikling panahon ng pagbisita ni UNSR Khan sa bansa.

Kaya’t pinaplano nila ang mas malalim na talakayan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ni UNSR Irene Khan upang talakayin ng mas detalyado ang mga isyu at rekomendasyon nito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *