Pagsumite ng devolution transition plan ng mga opisyal sa barangay sa Cauayan City, deadline ngayong linggo

Binigyang nang hanggang ngayong linggo ang mga barangay officials sa lunsod ng Cauayan para isumite ang kanilang draft ng Devolution Transition Plan na planong iimplementa sa susunod na taon.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Ms. Christi Anna Cielo, ang City Local Government Operations Officer II, inaasahan na ngayong linggo ay makakapagpasa na ang 65 barangays sa syudad ng naturang devolution transition plan.

Sa katunayan aniya ay noong nakaraang buwan pa sana ng Oktubre ito naisumite subalit dahil sa ilang kadahilanan na dulot ng pandemiya ay naipagpaliban ito at noong nakaraang linggo lamang natapos ang orientation sa mga punong barangay, treasurer at secretary.

Paliwanag ni LGOO II Cielo, ang Devolution Transition Plan ay ang plano na pinapagawa sa mga barangay bilang preparasyon kaugnay sa supreme court ruling ng Mandanas Garcia Petition sa susunod na taon.

Naglalayon ito aniya na mabigyan ng gabay ang mga barangay kung paano ilalaan ang magiging increase sa National Tax Allotment sa bawat barangay para sa kani-kanilang proyekto at programa.

Sinabi pa ni LGOO II Cielo na handa naman ang mga opisyal sa barangay na sumunod sa mga ganitong kautusan ng DILG.

Aniya, sakaling mahirapan ang mga opisyal ay maaari lamang silang lumapit sa kanilang tanggapan upang matulungan sa pag-formulate nito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *