PHO nanawagan sa mga Munisipyo at Barangay na paigtingin ang kampanya kontra dengue

CAMARINES NORTE- Nanawagan ang Provincial Health Office sa mga Munisipyo at Barangay na paigtingin ang kampanya kontra Dengue sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso nito sa lalawigan.

Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco panahon na para mas lalo pang paigtingin ang pagkilos ng mga LGU lalo na sa mga lugar na mataas ang kaso ng dengue.

Maaari umanong magpatawag ng pagpupulong ang mga barangay sa kanilang nasasakupan upang pag- usapan ang mga dapat gawin ngayong panahong ito.

Hinimok ni Francisco ang publiko na gawin ang 4 o’clock habit, para suyurin at sirain ang posibleng tirahan ng lamok.

Ganito rin ang panawagan ng Department of Health na sundin ang 4S strategy kontra Dengue.

Ito ay suyurin at sirain ang mga pinamumugaran ng mga lamok, sarili ay protektahan laban sa lamok sa pamamagitan ng paggamit ng long-sleeves o pantalon at insect repellant, sumangguni agad sa pinakamalapit na gamutan kapag nakaramdam ng sintomas para hindi lumala ang sakit, at suportahan ang fogging para sa mga lugar na may pagtaas na kaso sa loob ng dalawang linggo upang maiwasan ang outbreak.

Ang dengue fever ay isang impeksiyon na sanhi ng virus na dinadala ng mga lamok na Aedis Aegypti.

May apat na klase ng virus na dengue, ang bawat isa ay maaaring magdulot ng lagnat (dengue fever) at lagnat na may pagdurugo (dengue hemorrhagic fever).

Kabilang sa sintomas nito ay ang pagkakaroon ng biglaang pagtaas ng lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit sa likod ng mata, sakit ng kalamnan at kasu-kasuan, kawalan ng ganang kumain, pagkahilo, pagsusuka, at pamamantal sa balat.

Sa datos ng PHO umaabot na sa 133 ang kabuuang kaso ng Dengue sa lalawigan ng Camarines Norte mula Enero hanggang Hunyo.

Batay naman sa datos ng DOH- CHD Bicol, tumaas ang naitalang kaso ng Dengue sa nakalipas na 14 na araw.

Para sa morbidity week 25- 26 o mula June 19 hanggang July 2, 2022 umaabot sa 23 ang naitalang kaso ng dengue sa lalawigan na mas mataas kumpara sa 3 lang sa parehong panahon noong isang taon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *