Sangguniang panlalawigan ng Catanduanes, planong magtayo ng hospital-based blood bank sa islang probinsya

Catanduanes, Bicol —Isinusulong ngayon ng Sangguniang Panlalawigan  ng Catanduanes ang pagtatayo ng hospital-based blood bank sa islang lalawigan matapos na matalakay at buksan ang naturang usapin sa kanilang regular na sesyon.

Bagay na sinuportahan naman ng DOH-Bicol, matapos na ihayag ni Maita Mortega – coordinator ng National Voluntary Blood Services Program na ikalulugod ng nasabing ahensya na maisakatuparan ang proyektyong ito lalo na at malaki ang magiging tulong ng blood bank upang hindi na kailanganin pang ipadala sa mainland Bicol ang mga nakokolektang dugo sa isla upang suriin.

Katunayan, nabanggit ni Mortega ang tungkol sa kaso ng pagkasawi ng isang nanganak na ginang sa probinsya na nangailangang masalinan ng dugo matapos na isailalim sa caesarian section ngunit pumanaw matapos na abutin ng halos isang araw bago dumating ang suplay ng dugo mula pa sa Legazpi City sa Albay.

Ang ganitong mga insidente ay maaari umanong maiwasan kung ang screening ng dugo ay mismong sa hospital-based blood bank o blood service facility na ng lalawigan maisasagawa.

Kaugnay nito, iminungkahi naman ng isang bokal sa lalawigan na magsagawa ng consultation meetings ang pamunuan ng Eastern Bicol Medical Center at mga opisyal ng SP upang mapag-usapan ang tungkol sa workforce o karagdagang empleyado sakaling matupad ang pagtatayo ng blood bank lalo na at ang minimum  requirements ng national government sa pagtatayo ng hospital based blood bank ay ang pagkakaroon ng isang pathologist; siyam na medical technologists; dalawang phlebotomists at isang registered nurse.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *