1 patay, 9 sugatan sa ‘topdown’ na nahulog sa drainage canal sa Tboli

KORONADAL CITY — ISA ang patay habang siyam ang sugatan sa grupo ng mga estudyanteng maliligo sana sa isang resort matapos ma-aksidente ang topdown na sinasakyan ng mga ito kahapon ng hapon sa provincial road, Barangay Sinolon, Tboli, South Cotabato.

Kinilala ang namatay na si Rexzel Lou Peñafiel, 15, estudyante habang sugatan naman ang siyam na mga kasamahan nito kabilang na ang 16-anyos na driver ng topdown na si Mitchelle Hope Peñafiel.

Ang nasabing mga biktima ay pawang mga residente ng Sitio Paraiso, Barangay Sinolon, T’boli, South Cotabato.

Sa imbestigasyon ng Tboli PNP, sakay ng topdown ang mga biktima papuntang Jance Resort sa Barangay Lower Maculan sa Bayan ng Lake Sebu, South Cotabato ngunit nawalan umano ng kontrol sa manebela ang driver at nahulog ang mga ito sa drainage canal.

Dahil sa aksidente pawang nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima at isinugod sa Moorehouse Mission Hospital sa Barangay Edwards, Tboli ngunit ideneklarang dead on arrival si Rexzel Lou.

Sa ngayon, nasa kostudiya na ng Tboli PNP ang topdown na nasangkot sa aksidente habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *