5 pang kaso ng COVID-19, naidagdag sa bayan ng San andres, Catanduanes; Localized lockdown na ipinatupad sa isang barangay, nagpapatuloy

BNFM BICOL—Nakasailalim pa rin hanggang ngayon sa localized lockdown ang Brgy. Bislig sa bayan ng San Andres, Catanduanes dahil sa mahigit 20 residente ng barangay na tinamaan ng COVID-19.

Nadagdagan pa ng lima ang unang naitalang 20 kaso ng sakit sa naturang bayan matapos lumabas na positibo ang resulta ng RT-PCR test ng lima pang residente nito na mula naman sa mga barangay ng Palawig, Belmonte at Esperanza.

Bunsod nito ay umakyat sa 28 ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa naturang bayan kung idaragdag ang tatlong iba pa na nauna nang tinamaan ng virus. Ang mga ito ay pawang naka isolate ngayon sa Bislig Elementary School.

Dahil sa kasalukuyang umiiral na lockdown, tanging isang miyembro lamang ng pamilya ang pinahihintulutan lumabas ng bahay upang bumili ng pangangailangan.

Hindi rin pinahihintulutang lumabas ang mga natukoy na closed contacts ng mga nag positibong indbibidwal habang mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasagawa ng anumang pagtitipon gaya ng mga inuman at selebrasyon.

Nitong nakaraang araw, namahagi na ang lokal na pamahalaan ng relief goods sa mga apektadong residente gaya ng distilled water, bigas at iba pa. Inaasahang tatagal ang lockdown sa lugar hanggang dalawang linggo o depende sa magiging pasya ng local IMT.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *