BIR nanawagan sa mga tatakbo sa May 2022 elections na hindi pa nakakapagparehistro na magparehistro na

CAMARINES NORTE- Nanawagan ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga kakandidato sa May 2022 elections na hindi pa nakakapagparehistro bilang political candidate na magtungo na sa kanilang opisina para magparehistro at magbayad ng annual registration fee na P500.00

Ito ay upang maiwasang lumaki ang babayaran dahil sa ipapataw na penalty kung late registration.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Assistant Revenue District Officer Daisy De Leon na mayroon pang ilang political candidates sa lalawigan na hindi pa nagpaparehistro sa BIR hanggang sa kasalukuyan.

“Nananawagan po kami na yung ibang kandidato na hindi pa sa atin nakapag register as political candidate, magparehistro na po kayo, kasi pagdating ng May, hahanapan din sila sa Comelec nung clearance sa amin di ba, yung SOCE nila o siyempre makuha pa tayo dun kung ano yung mga bayaran nila magkakaroon yun ng penalty,” ani De Leon.

Paliwanag ni De Leon na dapat makapagpagparehistro ang isang political candidate sa loob ng 30 araw pagkatapos maghain ng Certificate of Candidacy (COC).

Sa panahon daw kasi ng pagsusumite ng Statement of Contribution and Expenditures (SOCE) ay ire- require din ng Comelec sa kandidato ang registration sa BIR dahil hihingan din sila ng katibayan na sila ay nakapagbayad.

Ang mga nakapagparehistro na noong nakatalikod na taon ay kailangang magparehistro din uli ngayong 2022 at pagdating ng eleksyon ay dapat magpa- closed ng registration.

Paglilinaw din ni De Leon na iba ang ibinayad na annual registration fee noong isang taon dahil para ito sa 2021 at ngayong 2022 ay kailangang magbayad ulit.

“Kasi yung binayaran nila nung 2021 for the year 2021 yun, so ngayong 2022 na at hanggang kalahati ng taon meron silang transaction, nasa kumbaga yun palang ang election period kailangan pong magbayad sila.”

Mahalaga umanong makapagparehistro at magbayad sa tamang oras dahil mas lalaki pa ang babayaran dahil sa surcharge na 25 % at interest na 12 % per annum gayundin ang compromise penalty.

Sa panahon ng kampanya ay katuwang din umano ng Comelec ang BIR sa pag monitor sa gastos ng kandidato pero aminado ang ahensiya na mahirap itong gawin dahil ang pinagbabasehan lang din umano ng opisina ay kung ano ang idedeklara ng mga ito.

Paalala pa ng ahensiya na ang mga donasyon ay subject sa donor’s tax.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *