Helmet Diving, pinag-aaralang ialok sa Calatagan, Batangas

Patuloy ang ginagawang konsultasyon at pag-aaral ng iba’t-ibang ahensya sa isinusulong na pagkakaroon ng sikat na Recreational Helmet Diving sa Calatagan, Batangas.

Ang naturang proposal ay mula sa Lira’s View Beach Resort na sikat at dinarayo dahil sa kanilang floating cottage sa Little Boracay Beach.

Sinabi sa Brigada Batangas ni Bantay Dagat Volunteer Jessie Fronda Delos Reyes, posibleng maisakatuparan ang Helmet Diving proposal sa Calagatan ngunit kailangang ipatupad ang mga protocols para mapangalagaan ang yamang dagat sa proposed site.

Kabilang na rito ang bawal na paghahawak sa mga corals, bawal na pagpapakain sa mga isda, pagtatakda ng papayagang lalim ng dive at maraming iba pa.

Kamakailan ay isinagawa ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ang presentasyon ng inisyal na resulta ng site assessment at validation ng Bantay Dagat sa naturang proposal.

Sa ngayon ay hinihintay pa ang isusumiteng rekomendasyon mula sa Health Office, MDRRMO, PCG at Tourism Office ng naturang bayan kaugnay sa proposed recreational activity.

Aminado si Delos Reyes na hindi madali ang naturang proposal lalo na at kailangang ikonsidera ang pangangalaga sa marine protected area.

Sakaling maisakatuparan, ang Calatagan na ang kauna-unahang bayan sa Batangas Province na mag-aalok ng Helmet Diving, ang sikat na recreational activity sa Boracay.  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *