Lalaki, napatay ang live-in partner dahil sa matinding away sa Batangas

Nahaharap na ngayon sa kasong murder ang isang construction worker matapos na patayin ang live-in partner dahil sa kanilang pag-aaway sa Brgy. Zone 8, Taal, Batangas.

Kinilala ng Taal Municipal Police Station ang suspek na si Jayson Agas Vergara, 44 anyos at residente ng naturang barangay.

Sinabi sa Brigada Batangas ni Major Fernando Fernando, hepe ng Taal MPS, sinakal at inuntog umano ng suspek ang ulo ng kanyang misis dahil sa matinding galit dulot ng kanilang pag-aaway nitong gabi ng Huwebes, Agosto 17.

Tuluyang naaresto ang suspek ng mga rumespondeng pulis matapos na isinumbong ng anak ng biktima ang naturang pangyayari.

Natagpuan na lamang ng mga pulis ang biktima sa sahig na wala nang malay at may tinamong sugat sa ulo.

Dinala pa ito sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Samantala, sinabi ni Major Fernando na iginigiit ng suspek na nagawa niya ang krimen dahil umano sa kanyang bipolar disorder.

“Sinumpong daw siya at hindi alam ang kanyang ginagawa at mayroon daw siyang ganung sitwasyon…di ko alam pero baka ito ay alibi niya. Pinauubaya na po natin sa korte ang pagti-test sa kanya, yong proseso para patunyan sa sarili niya.” ani Fernando.

Maliban pa rito ay napag-alamang may ibang kaso rin ng pagpatay at pananakit ang biktima sa Rizal Province.

Kasalukuyang nakadetina sa naturang himpilan ang suspek.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *