Sanggol, tinangay ng babaeng nagpanggap na nurse sa Binangonan, Rizal

Tagumpay na nailigtas at naibalik ng mga awtoridad ang kakasilang pa lamang na sanggol na tinangay ng isang 20-anyos na babae mula sa isang pampublikong ospital sa Binangonan, Rizal.

Bago ito, nangyari ang insidente ng pagkuha ng nasabing babae sa sanggol noong nakaraang Huwebes, pasado ala-1:30 ng hapon kung saan nagpanggap ang babae bilang isang nurse.

Kita sa CCTV na nakasuot mismo ng pang-nurse ang babae, dala-dala ang bata.

Sa ibang kuha ng CCTV, kasunod pa ng babae ang lola ng nasabing sanggol habang naglalakad, pero noong papalabas na mismo ito sa ospital, mag-isa na lamang ito.

May kuha rin ng CCTV sa bahagi ng palengke ng Binangonan at nakajacket na ang babae at hindi na suot ang damit pang-nurse.

Ayon kay Police Captain Mariesol Tactaquin, ang Chief PIO ng Rizal Police Provincial Office, sinabihan raw ng suspek ang lola ng sanggol na mag-fill out muna sa ilang dokumento, dahilan para tuluyang maitakas nito ang bata.

Ang buong akala daw kasi ng lola noon ay totoong nurse ang nasabing babae.

Matapos ang pagtangay at nang maireport ito sa pulisya, agad na nagkasa ng follow up operation ang mga awtoridad at natunton nila ang kinaroroonan ng suspek.

Inamin raw mismo ng suspek sa mga pulis na kinuha niya ang bata.

Base pa sa imbestigasyon ng Rizal PPO, nakaranas daw ng miscarriage o nakunan ang babae noong November 2022, ngunit hindi niya ‘yun ipinaalam sa kanyang pamilya at patuloy na nagpanggap na buntis.

Ito raw umano ang dahilan kung nagawa ng babae ang krimen.

Desidido naman ang ina ng sanggol na sampahan ng kasong kidnapping ang suspek.

Sa ngayon, wala pa ring pahayag ang pamunuan ng ospital sa nangyari at hindi pa rin malinaw kung paano nailabas sa ospital ang sanggol nang wala silang kaalam-alam.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *